AGARANG namatay ang isang 62-anyos na barangay tanod nang barilin ito ng siyam na beses ng isang miyembro ng Sputnik Gang, matapos itong imbitahin na uminom ng alak, kahapon ng madaling araw sa panulukan ng Kagitingan St at Pitimini St, Brgy. 34, Tondo, Maynila .
Ayon Kay PCapt Dennis Turla, hepe ng Manila Police District -homicide section, ang biktimang si Jonathan Riso y Roรฑo, alyas Diablo, ng No. 1117 Esmeralda St., Tondo, Maynila, ay nasawi agad dahil sa mga tama ng mga bala sa iba’t -ibang bahagi ng katawan.
Kaagad namang tumakas ang suspek na si Renz Reniel Gutierrez y Boma, 34 , miyembro ng Sputnik Gang at taga- 265 Lakandula Street, Brgy. 34, Tondo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ng MPD, naganap ang insidente alas-4 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Naglalakad umano pauwi sa kanyang bahay ang biktima nang tawagin ng suspek at imbitahan na uminom.
Gayunman, nang malapit na ang biktima ay kaagad na bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima na kaagad nasawi.
Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang suspek para papanagutin sa krimen at inaalam ang motibo sa pagpatay sa biktima.














