Matapos madamay sa away, patay ang isang barangay tanod matapos barilin sa loob ng kanyang sari-sari store kamakalawa ng umaga sa Benita Street, Gagalangin,Tondo, Maynila.
Hindi na naisalba ng mga doktor ang biktimang si Marvin Martinez, ng 2865 Benita St. Gagalangin, Tondo dahil sa tama ng bala sa ulo. Diumano, ito ay nadamay sa galit ng suspek na unang nakipagsagutan sa isang tricycle driver.
Nakatakas naman ang suspek na si Vello Bacha, ng Phase 4 , Paliparan, Dasmariñas Cavite.
Ayon kay PLt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – homicide section , alas-7 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa loob mismo ng sari-sari store na pag-aari ni Martinez sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang tricycle driver na nakilalang si Ermark Severo, 37, ng Unit 410 Building 27 ng Permanent Housing, Balut, Tondo ang nakikipag-usap sa suspek nang sa hindi pa malamang dahilan ay biglang nagsisisigaw ang suspek malapit sa tindahan. Nang makita ng suspek ang biktima ay doon niya ibinaling ang galit .
Lumapit umano ang suspek sa tindahan saka pinutukan ng baril ang biktima.
Tumakas ang suspek at hinarang nito ang paparating na tricycle at sumakay patungong Juan Luna.