TARGET ngayon ng manhunt operation ng Cotabato-PNP ang ilang armadong kalalakihan na responsable sa paglikida sa isang kasapi ng Barangay Peacekeeping and Action Team ng Barangay Colambog sa Pikit ng nasabing lalawigan.
Bukod sa biktima, malubha ding nasugatan ang dalawang anak nitong menor de edad nang pagbabarilin sila ng mga salarin habang sakay ng ng kanilang Payong-Payong motorcycle, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ng Aleosan Municipal Police Station ang biktimang si Amilil Sasamin Lumenda, 25, residente at volunteer BPAT ng Barangay Colambog, sa Pikit, Cotabato.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na dakong alas-2 kamakalawa ng hapon ay hinarang ang mga biktima pagsapit sa Sitio Upper, Barangay Tapodoc, Tugunan, Special Geographic Area (SGA) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Naglabas ng sandata ang mga hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima sa harap ng kanyang anak na may edad na 10 at 12 anyos lamang. Kapwa nahagip ang mga bata ng mga ipinutok na punglo.
Inaalam pa ng kapulisan ang motibo sa likod ng pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga tinutugis na salarin.