PATAY ang isang 69-anyos na barangay kagawad nang makasalpukan ng sinasakyan nilang van ang kasalubong na passenger bus sa bayan ng Santiago, Ilocos Sur, kamakalawa ng hapon.
Bukod sa nasawing kagawad ay malubha ring nasugatan ang siyam na iba pang kasamahang officials ng Barangay Sabuanan sa bayan ng Sta. Lucia sa nasabi ring lalawigan habang anim sa sampung sakay ng nakabangang mini bus ang nasugatan dahil sa lakas ng impact.
Ayon kay Pol. Lt. Godofredo Ribuyaco, siyang hepe ng Santiago Police Station lumalabas sa kanilang inisyal na pagsisiyasat pagsapit ng Barangay Dan-ar ay may inunahang motorsiklo ang van dahilan para mabangga nito ang kasalubong na mini-bus .
“Nasa blind curve sila na portion. Allegedly ay nag-overtake itong van, may inunahan itong motorsiklo, so nag-overshoot ito at umagaw ng linya ng mini-bus. So nag-engage sila ng head on collision,” ani Ribuyaco.
Dahil sa lakas ng banggaan , napuruhan sa ulo ang nasawi habang ang mga kasama niya ay nasugatan sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan. (VICTOR BALDEMOR)













