PINAIIMBESTIGAHAN ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman sa pulitika ang ginawang paglikida sa isang barangay kagawad sa Socorro, Oriental Mindoro isang araw bago magsimula ang local campaign period.
Kinilala ang pinaslang na barangay official na si Aldrin Magtibay NG Barangay Calucmoy sa bayan ng Socorro .
Sa imbestigasyon, bandang alas-7 kamakalawa ng gabi habang nagpapahinga ang biktima sa kanyang kubo ay pinasok ito ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril.
Tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Nagawa pang maitakbo ang biktima sa Grace Mission Hospital, subalit deneklarang dead on arrival ng attending physician sanhi ng mga tinamong tama ng punglo mula sa kalibre 9mm baril.
Ayon sa hepe ng Socorro Police na si Maj. Marfredo Dulatre, base sa kanilang pagsisiyasat walang kulay pulitika ang krimen dahil love triangle ang tinitingnan nilang motibo sa pamamaslang. (VICTOR BALDEMOR)