PATAY ang isang Barangay Chairman na “utak” umano sa pananambang sa pitong Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2018 sa isinagawang magkasanib na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), PDEU/SOG LDSPPO at Special Action Force (SAF), kamakailan sa Pilintangan, Wao, Lanao Del Sur.
Nabatid na nanlaban umano ang suspek na si William Gandawali Comayog, Barangay Chairman ng Inudaran, Tagoloan II, at dating Municipal Mayor ng Tagolan II, Lanao Del Sur nang salakayin ang kanyang bahay sa nabanggit na lugar kung saan isisilbi sana sa kanya ang warrant of arrest.
Naganap umano ang insidente sa lugar alas-3 ng hapon noong Abril 13.
Sa halip na sumuko,pinaputukan ng M79 Grenade Launcher at M16 Rifle ang mga awtoridad na naging dahilan para masugatan si Patrolman Rasul Asilum.
Tumagal umano ng may isang oras ang palitan ng putok.
Naisugod pa ang suspek sa Wao District Hospital pero idineklarang dead on arrival.
Nasamsam sa pinangyarihan ng insidente ang ilang high-powered firearms .
Nabatid kay NBI OIC Director Eric Distor na may Outstanding Warrant of Arrest sa Violation of Section 28 (a) of R.A. 10591 na inisyu ng RTC Branch 10 ng Marawi City noong Pebrero 2019 si Comayog.
Si Comayog ay lider umano ng Gandawali group na sangkot sa iligal na aktibidad sa droga at mastermind sa pagpaslang sa pitong ahente ng PDEA noong Oktubre 2018 sa Lanao del Sur at kapatid rin ni Macapagal Comayog na nasa drug watchlist ng gobyerno na napatay sa buybust operation sa Marawi City.














