ISANG Barangay chairman ang nilikida ng riding-in-tandem sa bayan ng Tuao, Cagayan kamakalawa ng umaga.
Dead on arrival sa pagamutan ang biktimang si Dante Blanza, 61, chairman ng Barangay Santo Tomas sa nasabing bayan.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Tuao Police Station, papunta sa opisina ng Department of Agriculture sa Tuao West ang punong barangay sakay ng motorsiklo habang angkas ang isang barangay kagawad.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa kahabaan ng national road sakop ng Barangay Bicok nang dikitan ng sumusunod na motorsiklo.
Pagtapat ay biglang nag-overtake ng bahagya ang sumusunod sa kanila na motorsiklo saka nagpaputok ng baril ang isang sakay nito.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang biktima na naitakbo pa sa ospital, pero idinineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.
Hindi naman nahagip ng bala ang angkas niyang kagawad.
Nagtalaga na ng high risk checkpoints ang pulisya at patuloy ang hot pursuit operation para madakip ang mga hindi pa nakikilalang salrin.
Patuloy rin ang ginagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo ng pagpatay sa biktima. (VICTOR BALDEMOR)














