Unang 2 kaso ng Omicron “Centaurus” subvariant, natukoy sa bansa

NAKARATING na rin sa Pilipinas ang sinasabing mas nakahahawang Omicron subvariant BA 2.75 o “Centaurus” makaraang matukoy ng Department of Health (DOH) ang dalawang unang kaso nito sa isinagawang genome sequencing.

Tinukoy ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang dalawang kaso na nasa Western Visayas. Kapuwa nakarekober naman na ang dalawa.


Isa sa kanilang ang “partially vaccinated” habang ang isa ay hindi pa nababakunahan ng pangontra sa COVID-19.

Patuloy na inaalam pa ng DOH ang mga impormasyon nila kabilang ang travel history, mga nakasalamuha at lagay ng kanilang kalusugan sa ngayon.

Bagama’t itinuturing na mas nakahahawa kaysa sa isang subvariants, sinabi ni Vergeire na wala pa namang aktuwal na pag-aaral na makapagsasabi na mas nakakadulot ito ng malubhang sakit.


Samantala, nakatukoy rin ang DOH ng panibagong 1,015 kaso ng Omicron subvariant BA.5 sa lahat ng rehiyon maliban sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao. Sa kabuuan, nasa 3,102 na ang kaso ng BA.5 sa bansa.

May 26 kaso naman ang nadagdag sa BA.4 subvariant habang 18 pang panibaogng BA.2.12.1 subvariant ang natukoy rin. (Philip Reyes)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like