Iniulat ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Martes na nakikitaan na nila ng downward trend ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) ngunit pinaalalahanan ang publiko na hindi pa tapos ang wave ng virus sa rehiyon.
Sa datos ng OCTA na ibinahagi ni David sa kanyang Twitter account, iniulat nito na ang daily positivity rate ng NCR ay unti-unti nang bumababa simula pa noong unang linggo ng Agosto, 2022.
Ayon kay David, ang 7-day positivity rate sa rehiyon ay nasa 16.1% na lamang hanggang noong Agosto 14, o pagbaba mula sa dating 17.3% noong Agosto 7.
Ang one-week growth rate naman ng mga kaso sa rehiyon ay bumaba rin sa -7%.
Maging ang reproduction number sa NCR ay bumaba rin sa 1.13 hanggang noong Agosto 12, mula sa dating 1.19 noong Agosto 5.
Ang positivity rate ay yaong bilang ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa kabuuang bilang ng mga sinuri habang ang reproduction number naman ay ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.
Samantala, hanggang noong Agosto 14 naman, ang healthcare utilization rate (HCUR) sa rehiyon ay nasa 37% habang ang intensive care utilization (ICU) occupancy rate ay nasa 32%.
“NCR positivity rate trending downward. PR decreased from 17.3% (as of August 7) to 16.1% as of August 14. Rt decreased to 1.13, while HCUR was at 37%. Risk levels remained moderate in the NCR, the wave is not yet over,” tweet pa ni David.
“The daily positivity rate in the NCR has been trending downward since the first week of August 2022, as shown in the figure. The 7-day positivity rate in the NCR was 16.1% as of August 14, down from 17.3% as of August 7. The one-week growth rate of cases in the NCR decreased to -7%. The reproduction number in the NCR decreased to 1.13 as of August 12, from 1.19 on August 5,” anito pa.
“While cases may have already peaked in the NCR, the trends will need to hold, as trends are still reversible. The risk level in the NCR remains moderate,” pahayag pa ni David. (Philip Reyes)














