Nakapagtala ang National Capital Region (NCR) ng “very slow” o napakabagal na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 nitong nakalipas na linggo, bagamat nananatili pa rin naman itong nasa ‘low risk’ sa COVID-19.
Sa kanyang Twitter account nitong Lunes, ibinahagi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group, na base sa datos, ang daily average ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala mula Mayo 23 hanggang Mayo 29 ay umabot ng 74.
Ito ay 2% na mas mataas kumpara sa 72 lamang na naitala mula Mayo 16 hanggang Mayo 22.
Ang one-week average daily attack rate (ADAR) naman ng rehiyon ay tumaas rin ng mula 0.51 ay naging 0.52, ngunit nanatiling less than 1 o nasa “very low” category.
Samantala, ang reproduction number naman sa NCR ay nasa ‘moderate’ na ngayon matapos na muling tumaas sa 1.08 mula sa dating 1.02 lamang noong nakaraang linggo.
Ang positivity rate naman ay tumaas rin at mula sa dating 1.2% ay naging 1.4%, mula sa average na 11,047 tests per day.
Anang OCTA, maging ang healthcare utilization sa NCR ay tumaas sa 23% mula sa dating 22% lamang ngunit nananatili pa rin naman itong “very low.”
“Overall, NCR remained at low risk. An uptick in cases is observed in the NCR, but the rate of increase in new COVID cases is very slow at this time,” ayon naman kay David.
Nabatid na nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 200 bagong kaso ng COVID-19 infections.
Ang mga aktibong kaso naman ng sakit ay mababa pa rin sa 2,434.
Base sa national COVID-19 vaccination dashboard ng Department of Health (DOH), hanggang noong Mayo 29, umaabot na sa 151 milyong doses ng bakuna ang nai-administer nila.
Sa naturang bilang, 70.8 milyon na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 66.7 milyon naman ang nakatanggap ng isang dose.
Umaabot naman na sa 14 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang booster shots. (Philip Reyes)














