Tuloy ang pagtaas ng lingguhang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) matapos umabot sa 18.8% Hanggang noong Mayo 1.
Ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, ito ay mula sa 11.7% lamang na naitala noong Abril 24.
“NCR 7-day positivity rate increased to 18.8% as of May 1, 2023. It was at 11.7% on April 24,” tweet pa ni David.
Nabatid na ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang 5% na threshold para sa COVID-19 positivity rate.
Iniulat rin ni David na hanggang nitong Mayo 2 ay umabot na sa 15.9% ang nationwide positivity rate ng Pilipinas.
Nakapagtala rin sa nasabing petsa ng 843 bagong kaso ng sakit, sanhi upang umabot na sa 4,095,468 ang total COVID-19 cases.
Sa naturang bilang, 7,087 ang aktibo pang kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Wala namang naitalang namatay sa sakit sa nasabing petsa kaya’t ang total COVID-19 deaths sa bansa ay nananatili sa 66,444.
Habang may 885 pasyente na nakarekober na sa sakit. Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroon nang 4,021,987 na total COVID-19 recoveries.