Magandang balita dahil bumulusok pa sa 5% na lamang ang 7-day testing positivity rate sa COVID-19 ng National Capital Region (NCR).
Ito ay pasok na sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ng COVID-19.
Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, nabatid na ang naturang 5% na positivity rate ay naitala noong Hunyo 30, 2023.
Ito ay mas mababa kumpara sa 5.9% na naitala sa rehiyon noong Hunyo 23, 2023.
Dahil dito aniya, nasa low risk na ngayon sa COVID-19 ang NCR.
“NCR 7-day testing positivity rate dropped to 5% as of June 30 2023, from 5.9% on June 23. NCR is at LOW risk,” tweet pa ni David.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri.
Samantala, iniulat rin naman ni David na COVID-19 positivity rate sa Albay ay tumaas pa ng mula sa 14.8% ay naging 21.6% habang ang volcanic activity sa bulkang mayon ay patuloy na nadaragdagan.
Ito ay maaaring bunsod na rin aniya ng mga taong nagtitipun-tipon sa mga evacuation areas.