New cases ng COVID-19 ngayong linggo, bumaba ng 10% — DOH

Bumaba ng 10% ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong linggong ito.

Batay sa National COVID-19 case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes, nabatid na nakapagtala ng panibagong 17,145 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, 2022, o may average na 2,449 bagong kaso kada araw.

Anang DOH, mas mababa ito ng 10% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Agosto 22 hanggang 28.


“Mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, 17,145 na bagong kaso ang naitala sa bansa. Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 2,449, mas mababa ng 10 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Agosto 22 hanggang 28,” anang DOH.

Nabatid na sa mga bagong kaso, 40 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Samantala, mayroon namang naitalang 354 na pumanaw.

“Of the 354 deaths, 1 occurred in September 2022, 145 in August 2022, 8 in July 2022, 10 in June 2022, 6 in May 2022, 3 in April 2022, 5 in March 2022, 25 in February 2022, 115 in January 2022, 22 in December 2021, 8 in November 2021, 4 in October 2021, 1 in September 2021, and 1 in July 2021,” anang DOH.


Iniulat rin naman ng DOH na noong Setyembre 4, 2022, mayroong 768 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Dagdag pa nito, sa 2,551 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 595 o 23.5% ang okupado habang 29.3% naman ng 20,387 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

“Higit sa 72 milyong indibidwal o 92.98% ng ating target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 18 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots. Sa kabilang banda, 6.8 milyong senior citizens o 78.14% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series,” ayon pa sa DOH.

Kaugnay nito, mahigit ring pinaalalahanan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19 at bagkus, dapat umanong ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.


“Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH. (Anthony Quindoy)

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read