NCR hospital na nagturok ng 2nd booster shot sa non-ICPs, iimbestigahan ng DOH

TINIYAK ng Department of Health (DOH) na iimbestigahan nila ang ulat na may pagamutan sa National Capital Region (NCR) ang umano’y nag-administer ng second COVID-19 booster shots sa mga health workers at senior citizens na hindi naman kabilang sa immunocompromised (ICP) population.

“The Department of Health is looking into reports that a hospital in NCR has administered second boosters to frontline healthcare workers and senior citizens who are not immunocompromised (ICP),” anang DOH sa isang pahayag nitong Martes.


Kinumpirma rin naman ng DOH na ang nangangasiwa sa naturang pagamutang sangkot sa isyu, ay nagpaliwanag na at sinabing hindi sinasadyang na-misinterpret nila ang mga guidelines na inilabas ng DOH hinggil sa naturang second booster inoculation.

Anang DOH, sa ilalim ng amended emergency use authorization (EUA), na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA), nakasaad na ang mga senior citizens, front-line healthcare workers, at ICPs ay maaaring turukan ng 2nd booster.

Nakumpleto na anila ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang rekomendasyon para sa ICPs ngunit nirerebyu pa nito ang para sa mga senior citizens at HCWs.


“The DOH and NVOC are currently coordinating with the relevant Health Care Facilities and Vaccination sites to prevent further instances of these events,” pagtiyak pa ng DOH.

Ang pasilidad naman anilang kinukwestiyon ay bumalik na rin sa pag-administer ng booster shots para lamang sa mga ICPs.


Matatandaang noong Lunes, Abril 25, sinimulan na ng pamahalaan ang rollout ng second booster shot sa NCR ngunit para sa ICP population lamang, alinsunod sa rekomendasyon ng HTAC.

Patuloy rin namang hinihikayat ng DOH ang eligible population na mag-avail na ng primary series ng COVID-19 vaccines at ng first booster shots, na pawang napatunayang ligtas at epektibo sa pagprotekta laban sa malala at kritikal na sintomas na dulot ng COVID-19. (Jantzen Tan)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like