Umaabot na lamang sa 5.6% ang nationwide COVID-19 positivity rate ng bansa hanggang nitong Hulyo 15.
Ito ay batay na rin sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group sa kanyang Twitter account nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay David, ito ay bahagyang pagbaba mula sa dating 5.8% na positivity rate na naitala noong Hulyo 14 at mula sa 5.9% na naitala naman noong Hulyo 12.
Iniulat rin naman ni David na nakapagtala rin ang Department of Health (DOH) ng 283 bagong kaso ng sakit sa bansa noong Hulyo 15 sanhi upang pumalo na sa 4,169,644 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 5,879 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Nakapagtala rin naman ang Pilipinas ng karagdagang dalawang nasawi dahil sa sakit sanhi upang pumalo na sa 66,510 ang total COVID-19 deaths sa bansa.
Samantala, ang total COVID-19 recoveries ay nasa 4,097,255 na matapos na madagdagan pa ng 431 bagong pasyanteng gumaling na sa karamdaman.
“July 15 2023 DOH reported 283 new cases, 2 deaths, 431 recoveries 5879 active cases. 5.6% 7-day positivity rate. 56 cases in NCR. Projecting 200-300 new cases on 7.16.23,” tweet pa ni David.