National weekly positivity rate ng COVID-19, tumaas pa

Tumaas pa sa 14.8% ang national weekly positivity rate ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary at assistant spokesperson Beverly Ho sa isang pulong balitaan nitong Huwebes.

Ayon kay Ho, mula sa dating 12.5% lamang ay naging 14.8% na ang positivity rate ng bansa ngayong linggong ito.


“Tumaas din ang positivity rates natin from 12.5 percent to 14.8 percent this week katulad po ng rate natin noong February,” ani Ho.

Ito ay halos triple na sa 5% na ideyal na threshold para sa positivity rate na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa COVID-19.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Ho na nananatili pa rin sa low-risk classification ang bansa.

“Nationally, nanatili pa rin tayong low risk classification na meron pong daily average attack rate (ADAR) na 2.33 cases per 100,000 population,” aniya pa.


Bagamat mayroon aniyang pitong rehiyon na nakapagtala ng ADAR na mula 1.45 hanggang 3.96 cases per 100,000 population, lahat rin aniya ng rehiyon ay nananatili pa rin sa low-risk classification sa kabila nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo.

Tiniyak rin naman ni Ho na ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ay hindi nangangahulugan nang pagdami ng COVID-19 admissions.

Paliwanag niya, ang bilang ng mga severe at critical cases ay patuloy na mas mababa sa 1,000 at nasa 734 lamang ngayon.

Nanatili rin aniyang asymptomatic ang 16.49% ng mga kaso at mild naman ang 40.97%.


Iniulat rin ni Ho na nagkaroon ng pagtaas ng 12% o 757 sa total COVID-19 hospital admissions, habang ang ICU utilization rate ay kasalukuyan namang nasa 21%.

Samantala, sinabi ni Ho na hanggang noong Hulyo 27, 2022, mayroon nang 71.6 milyong Pinoy ang bakunado na laban sa COVID-19.

Kabilang sa naturang bilang ang 9.7 milyong adolescents, apat na milyong paslit at 6.8 milyong senior citizens.

Nasa mahigit 16 milyong indibidwal na rin ang nabakunahan ng kanilang first booster shot habang 1.2 milyon naman ang nakatanggap ng second booster shot.

Noong Hulyo 26, inilunsad na ng DOH sa buong bansa ang “PinasLakas” program, na naglalayong makapagturok ng booster jabs sa may 23 milyong katao o 50% ng eligible population, sa unang 100 araw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (Philip Reyes)

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read