Nasa halos 72.8 milyon na ang bilang ng mga Pinoy na fully-vaccinated na ngayon laban sa COVID-19.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, nabatid na ang naturang bilang ay naitala nila hanggang noong Setyembre 14, 2022 lamang.
Sa naturang bilang, nasa 6.8 milyon ang mga senior citizen habang mahigit sa 9.9 milyon naman ang mga adolescents.
Nasa 4.9 milyon naman ang mga batang fully-vaccinated na rin laban sa virus.
Ayon pa sa DOH, mahigit 18.7 milyong indibidwal na ang nakatanggap ng kanilang first booster dose habang halos 2.6 milyon na rin ang nakatanggap naman ng second booster dose.
Sa ilalim naman ng PinasLakas Campaign, sinabi ng DOH na hanggang noong Setyembre 14, 2022, umaabot na sa 30,283 ang nabakunahang A2 o senior citizen mula sa 1.07 milyong target.
Samantala, nakapagbigay na rin umano sila ng first booster dose sa may 2,598,318 indibidwal, mula sa 23 milyong target.
Ayon pa sa DOH, mayroon na silang 19,283 PinasLakas sites sa buong bansa.
Matatandaang inilunsad ng DOH ang kanilang PinasLakas campaign sa layuning makapagturok ng 23 milyong booster doses sa mga eligible Pinoy bago sumapit ang ika-100 araw sa posisyon ng kasalukuyang administrasyon. (Carl Sngbelo)














