FULLY-VACCINATED NA PINOY, 70 MILYON NA

UMABOT na sa 70 milyong Pilipino ang ‘fully-vaccinated’ na laban sa COVID-19 sa pagpapatuloy ng vaccination program ng pamahalaan, ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Sa pinakahuling ulat ng National Vaccination Operations Center (NVOC) nitong Biyernes, eksakto ng 70,005,247 indibidwal na ang bakunado. Binubuo ito ng 77.78% ng target population sa bansa.

Matatandaan na nitong Marso 2021 inumpisahan ng pamahalaan gn COVID-19 vaccination program. Sa pagkakaabot sa naturang bilang, sinabi ni Galvez na patunay ito ng ‘commitment’ ng pamahalaan na mabakunahan ang pinakamaraming Pilipino laban sa nakamamatay na virus na kumalat sa buong mundo.


“Nagpapasalamat ang NTF sa lahat ng ating health workers, volunteers, at mga kababayang nagtulong-tulong para mas marami tayong mabakunahan at maprotektahan laban sa COVID-19,” saad ni Galvez.

Ito umano ang ‘parting gift’ ng papaalis na administasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan habang umaasa si Galvez na susunod sa kanilang ehemplo ang papalit na mga lider na lalaban sa COVID-19.


Nitong Biyernes, nasa 153 milyong doses na ang naipamigay ng pamahalaan. Nasa 74.9 milyon ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna, habang nasa 14.7 milyon ang nakapagpa-booster shot na at nasa 648,555 ang may ikalawa nang booster shot. (Jaymel Manuel)


Tags: National Vaccination Operations Center (NVOC)

You May Also Like

Most Read