Ipinanukala ni Health Secretary Francisco Duque III sa papasok na Marcos administration na huwag alisin ang mandato sa pagsusuot ng facemask kahit na patuloy na bumaba ang kaso ng COVID-19 sa mas mababa sa 200.
Bukod umano sa pagbabakuna sa.may 70 milyon Pilipino laban sa COVID-19 ,ipapasa na ng Duterte administration sa susunod na administrasyon ang pagpapasunod sa mga Pilipino sa pagsusuot ng facemask.
“Huwag natin tanggalin ito muna. Premature eh ,” ayon kay Duque.
“Let’s keep it at that. ‘Wag muna natin tanggalin ang ating mga mask lalo na nag-full capacity na ang transport sector, nag-full capacity na ang establishments, “dagdag ni Duque.
Sinabi ni Duque na sa kabila ng iba’t- ibang super spreader events sa natapos na halalan at ang pagka- detect sa subvariants ng Omicron, hindi tumaas ang kaso ng COVID-19
“Nag-plateau tayo, mababa na ang mga kaso. Hopefully ay bumaba pa ito below 100 cases per day. Nakikita naman natin nasa less than 200 per day nitong mga nakaraang mga linggo,” ani Duque.
Nangngahulugan umano ito na ang pagsusuot ng facemask at pagsunod sa
minimum public health standards ng Filipino ay napakataas.
Umaasa si Duque na itutuloy ng susunod na administrasyon ang facemaak.mandate.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi aalisin ang pagsusuot ng facemask hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Nalaman na nakapagtala ng 225 bagong COVID-19 infection sa bansa hanggang noong Biyernes kung saan nasa 3,691,114, ang kabuuang bilang ng dinapuan ng COVID-19 sa bansa at nasa 2,441 naman ang aktibong kaso. (Carl Angelo)














