Latest News

DOH, nakapagtala ng 1,101 bagong kaso ng COVID-19 mula Peb. 6-12

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na mula Pebrero 6 hanggang 12, ay umaabot na lamang sa 1,101 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala nila sa bansa.

Sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 157 na lamang, ngunit mas mataas ito ng 9% kung ikukumpara sa mga kaso noong Enero 30 hanggang Pebrero 5.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, dalawa ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 98 na pumanaw, kabilang ang anim na naganap noong Enero 30 hanggang Pebrero 12.


Nabatid rin na noong Pebrero 12, 2023, mayroong 426 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Mula sa 2,243 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 311 o 13.9% ang okupado habang 3,402 o 19.6% ng 17,344 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Iniulat rin ng DOH na higit sa 73 milyong indibidwal o 94.57% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.47% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.


“Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” ayon pa sa DOH.

Tags:

You May Also Like

Most Read