PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan munang humalik o humawak sa mga poon sa mga simbahan lalo na ngayong nalalapit na Semana Santa.
Kasunod ito ng ulat na binuksan na ng ilang simbahan sa publiko ang pahalik sa mga santo kaugnay sa pagpasok ng kuwaresma.
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat sundin pa rin ang mga ipinatutupad na protocols para maiwasan ang pagkahawa-hawa at impeksyon mula sa COVID-19.
“So nag-a-advise po tayo sa ating mga kababayan na kung maiiwasan naman po na humalik sa mga poon o kaya ay gumamit na lang po tayo siguro ng kamay at ilagay sa ating noo,”ani Vergeire.
Huwag aniyang hawakan ang ilong at bibig kapag humawak sa poon para hindi mahawa ng virus dahil hindi pa rin nawawala ang COVID-19 sa bansa.
Nakiusap rin si Vergeire sa mga simbahan na kung maaari ay iwasan muna ang mga aktibidad na maaaring maging dahilan ng hawaan sa COVID-19.
Hinikayat ni Vergeire ang publiko na patuloy pa ring sundin ang minimum public health standards at hanggat maaari ay umiwas muna sa mga matataong lugar.
“Nakikiusap din po tayo sa ating mga churches, kung sakali po, baka puwede po tayong makipagtulungan sa kanila na iwasan muna po natin iyong mga activities that can have increased risk of transmitting infection to our citizens,” dagdag ni Vergeire.