DOH: 3 close contacts ng unang BA.4 case sa bansa, asymptomatic

Pawang asymptomatic o walang anumang nararamdamang sintomas ng COVID-19 ang lahat ng tatlong close contacts ng kauna-unahang BA.4 case sa bansa.

Sinabi ni Dr. Alethea de Guzman, officer-in-charge (OIC) ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), nitong Martes, na ang pasyente, na hindi bakunado at asymptomatic naman, ay may travel history mula sa Qatar at South Africa.


Tiniyak ni de Guzman na nakakumpleto naman ang returning Filipino worker ng kanyang mandatory quarantine mula Mayo 4 hanggang 18 bago nagkaroon ng close contact sa tatlong miyembro ng kanyang tahanan, na pawang asymptomatic rin at fully vaccinated.

Ayon naman sa DOH, ang testing status ng mga close contacts ay biniberipika pa nila sa ngayon.

Una nang sinabi ng DOH na ikinukonsidera ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDPC) ang BA.4 na subvariant ng Omicron, bilang variant of concern (VOC).


Nangangahulugan ito na ang naturang subvariant ay maaaring mas nakakahawa o di kaya ay maaaring maging sanhi ng mas malalang karamdaman.

Patuloy naman ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na istriktong sundin ang minimum public health standards (MPHS) at magpaturok na ng bakuna at booster shots laban sa COVID-19. (Arsenio Tan)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read