POSIBLE na magkaroon ng panibagong COVID-19 surge sa bansa na maaaring idulot ng natuklasang mga lokal na kaso ng BA.2.12.1 omicron subvariant, ayon kay Department of Health Epidemiology Bureau chief Dr. Alethea de Guzman.
Sinabi ni De Guzman na maaaring magdulot ng surge ang mga subvariants na nakakaiwas sa ‘immunity’ ng isang tao na sasabayan pa ng pagbaba ng ‘immunity’ ng mga bakunado pero hindi pa nagpapaturok ng ‘booster shot’.
“Kung, number one, may papasok ngang bagong variant of concern na mas transmissible at tinatawag nating immune-escaping, meaning yung epekto ng bakuna ay mas mababa,” ayon kay De Guzman.
Sinabi ng opisyal na 20% hanggang 27% na mas nakakahawa ang naturang subvariant. Mayroon na umanong ilang lugar sa bansa ang nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong mga nakalipas na buwan ngunit hindi naman nagtatagal.
Sa kabila nito, patuloy namang nakapagtatala ang Pilipinas ng mababang kaso ng COVID-19. Nitong Miyerkules, nakapagtala lamang ang DOH ng 103 bagong impeksyon habang nasa 2,241 ang bilang ng mga aktibong kaso sa buong bansa na pinakamababa ngayong taon. (Jantzen Tan)














