COVID-19 bahagyang tumaas — OCTA

Bahagya na namang tumaas ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Ayon sa OCTA Research Group tumaas ang growth rate o bilis ng pagdami ng mga kaso sa 6 porsyento, mula Setyembre 3 hanggang 10.


Nasa -17 porsyento na lang ang growth rate, o bumaba, noong Agosto 27 hanggang Setyembre 3.

Umakyat din sa 13.3 porsyento ang positivity rate mula nitong Setyembre 9, mula sa 12.1 porsyento noong Setyembre 2.

Nabatid na muli ring tumuntong sa 1 ang reproduction number, o bilang ng nahahawa ng bawat positibo sa COVID-19, na indikasyong tumataas ang hawahan. Nasa 1.11 na ang reproduction number nitong Setyembre 7, mula sa 0.93 noong Agosto 31.


Sa kabila nito, nananatili pa ring low-risk ang rehiyon na may average daily attack rate na 5.58 o bilang ng nagkakasakit sa kada 100,000 populasyon kada araw.

Nananatili ring mababa ang hospital bed occupancy na nasa 34.5 porsyento at intensive care unit na nasa 28.9 porsyento.


Sinabi ng OCTA, inaasahan na ang pagtaas ng mga kaso dahil sa pagtaas ng mobility pattern ngayong nagbalik na ang in-person classes.

Sa projection ng Australian Tuberculosis Modeling Network noong Setyembre 2, sinabi ng Department of Health na posibleng umabot ng hanggang 5,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa National Capital Region kung magpapatuloy na mababa ang pagtanggap ng mga tao sa booster shot.


Ito ay mas mababa na sa 1,000 ang mga arawang kaso sa NCR nitong nagdaang linggo, maliban nitong Sabado na umabot na sa 1,220.

Ayon kay DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire umabot pa lang sa 27,907 na mga senior citizen ang nabakunahan ng booster shot sa ilalim ng “PinasLakas” campaign na may 1.07 milyon na target.

Nasa 2,411,073 ang nakatanggap ng booster sa general population, malayo sa 23 milyon na target.



Magtatapos ang kampanya sa Oktubre 8, ang ika-100 araw ng administrasyong Marcos.

Tags: OCTA Research Group

You May Also Like