Close contacts ng unang Omicron BA.2.12 case sa Pinas, 44 na

KINUMPIRMA ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umaabot na ngayon sa 44 ang bilang ng mga close contacts ng babaeng Finnish national na natukoy na siyang unang kaso ng Omicron BA.2.12 sa Pilipinas.

Sa kanyang mensahe sa mga mamamahayag nitong Huwebes, sinabi ni Vergeire na base sa kanilang isinagawang contact tracing, siyam sa mga close contact ang nasa Quezon City, lima ang sa Benguet at 30 ang mula sa eroplano na sinakyan ng pasyente patungong Maynila.


“9 in QC, 5 in Benguet, 30 sa plane going to Manila,” ani Vergeire, nang matanong ng mga mamamahayag kung ilan na ang kabuuang bilang ng mga close contact ng unang BA.2.12 case sa bansa.

Una nang inianunsiyo ng Department of Health (DOH) noong Miyerkules na natukoy na ng Pilipinas ang unang kaso nito ng Omicron BA.2.12 sa Baguio City.

Ang pasyente ay isang 52-taong gulang na babaeng Finnish national na dumating sa Pilipinas mula Finland noong Abril 2.


Hindi umano siya kinailangang sumailalim sa routine isolation sa isang quarantine facility dahil siya ay fully vaccinated laban sa COVID-19 at hindi nakitaan ng sintomas ng sakit.

Nakumpleto naman na ng dayuhan ang kanyang pitong araw na isolation at nakarekober na sa sakit.


Nakalabas na rin ito ng isolation at nakauwi ng kanilang bansa noong Abril 21 pa. (Philip Reyes)


Tags: Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire

You May Also Like

Most Read