‘7TH MOST WANTED PERSON’ NG BARMM, ARESTADO SA COTABATO AIRPORT

By: Jerry S. Tan

Sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad, matagumpay na naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG) at PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang ‘7th Most Wanted Person’ ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may kasong double murder, sa Cotabato Airport noong Sabado.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, napansin ng isang pulis ang suspek habang palabas ng paliparan lulan ng kanyang sasakyan. Agad itong sinita ng mga tauhan ng HPG para sa karaniwang inspeksyon at nang hingan ng lisensya at mga dokumento ng sasakyan, nakilala ng mga operatiba ang suspek at agad nakipag-ugnayan sa CIDG upang beripikahin ang kanyang record.


Sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong double murder na walang piyansa na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 15, 12th Judicial Region noong October 11, 2023, agad siyang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng CIDG, HPG at AVSEGROUP. Kasabay nito, inimpound din ang minamanehong sasakyan dahil sa mga paglabag tulad ng hindi pagsusuot ng seatbelt at expired na driver’s license.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit Office ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at legal na proseso bago ang kanyang pagharap sa korte.

Pinuri ni PBGen. Jay R Cumigad, Director ng PNP Aviation Security Group ang mabilis na aksyon ng mga operatiba.


“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng matatag na koordinasyon at dedikasyon ng ating kapulisan sa paghahatid ng hustisya. Patuloy nating tutugisin ang mga nagtatago sa batas upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Cumigad.


Tags: Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)

You May Also Like