TINIYAK ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na walang validated threat hinggil sa pinalutang na planong aaklas laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Sec Abalos hindi magtatagumpay ang anumang balak na destabilization move sa administrasyon na magmumula sa Philippine National Police dahil solido ang suporta ng kapulisan sa Pangulo, bukod pa sa pagiging isang professional organization ng pambansang pulis.
Kaya kahit umano may magtangka o sumubok na magsagawa ng mga ganitong pagkilos ay hindi umano nila ito papatulan.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na ibulgar ni dating Senator Antonio Trillanes IV na mayroong mga aktibong senior members ng PNP ang nagre-recruit ng kanilang mga kasama para makibahagi sa panibagong destabilization plot laban kay PBBBM.
Subalit una ng sinabi ng PNP na wala silang namomonitor na may ilang aktibo at retiradong pulis ang nagbabalak na magsagawa ng pag-aaklas laban sa gobyerno.
Nilinaw ng pamunuan ng PNP na wala silang namo-monitor na anumang banta ng destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pahayag ni Sen Trillanes na may ilang aktibong high-ranking police officials ang nagre-recruit umano ng mga pulis para sumama sa inilulutong destabilization plot laban kay Pangulong Marcos.
Maliban sa pulisya, mayroon din umanong retired military officials ang nagre-recruit ng mga sundalo para suportahan ang nasabing ouster plot.
Samantala mariing pinabulaanan ng PNP na nagsasagawa sila ng loyalty check kung kaya’t madalas ang pag-iikot ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga kampo ng pulisya sa buong bansa.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, ang pag-iikot ni Marbil ay normal lamang kapag bago ang pinuno ng Pambansang Pulisya.
Ani Fajardo, layon ng command visit na malaman kung ano ang ginagawa ng mga pulis at para kausapin ang mga ito upang bigyang direktiba.
Wala aniyang rason para magsagawa ng loyalty check ang liderato ng PNP dahil nananatiling high morale ang mga pulis.
Giit pa nito, mananatiling apolitical ang PNP at patuloy na susundin ang mandato ng konstitusyon.
Nabatid na nagtungo sa Mindanao si Gen Marbil para personal na malaman ang updates sa isang pulis officer na nabaril at napatay ng mga kapwa umano pulis at para personal na makiramay sa pamilya ng naulila.
Nakausap na rin aniya ni Marbil ang kanilang intel units at sinabing wala namang namo-monitor na sinumang aktibong pulis na dawit sa destabilization plot.
Apela ni Fajardo sa dating mambabatas na tigilan na nito ang pagdadawit sa PNP sa umano’y pagkakaroon ng sabwatan para pabagsakin ang Marcos administration.