Nasa 160 indibiduwal, kabilang ang sinuspindeng si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, ang kinokonsiderang persons of interest sa pamamaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr., ang 160 indibiduwal ay ang mga binanatan ni Lapid sa kanyang programa.
Sinuri aniya ng mga imbestigador ang 600 posting ni Lapid kung saan tinawag niya ang pansin ng mga naturang indibiduwal na kinabibilangan ng mga politiko, opisyal ng militar at pulisya.
“‘Yung nabanggit ko na out of the 160 na mga personalities doon na mga nakasama doon sa issues doon sa programa ni Sir Percy Lapid, ay lahat po ‘yun persons of interest,” ani Azurin sa isang press briefing sa Camp Crame.
“Nang sa ganun, makikita natin sino ba ‘yung mga pinaka-may issue na puwedeng magpagawa nun [pagpapatay kay Lapid],” dagdag niya.