Hindi pa rin makita ang suspendidong Bureau of Correction(BuCor) director general Gerald Bantag sa kabila na naislbi na ang kanyang subpoena sa kanyang bahay sa Caloocan City.
Kinakailangan na dumalo si Bantag sa itinakdang preliminary investigation ng Department of Justice(DOJ) sa Nobyembre 23, ng alas 9 ng umaga at Disyembre 5 ng ala 1 ng hapon para sagutin ang demanda na isinampa laban sa kanya kaugnay sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, miyembro ng three-man panel, naisilbi na ang subpoena pero ayon sa barangay captain ay hindi na umuuwi si Bantag sa lugar.
“The subpoena, insofar as the prosecution is concerned, is deemed served. Besides, we have no information where in Baguio City DG Bantag is staying,” ani Guhit.
Una nang hiniling nv abogado ni Bantag na sa Baguio ipadala ang subpoena kung saan napaulat na siya ay nakatira.
Dapat umano na ipaalam sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) at sa panel of prosecutors sa pamamagitan ng manifestation o pleading ang bagong address ni Bantag bago mag-isyu ng panibagong subpoena.
Kabilang rin sa pinadalhan ng subpoena sina BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta at apat na inmates.
“Nobody wanted the evidence to point to Bantag. It was not good news when the evidence started to point to the respondents,” ayon naman kay DOJ spokesperson Mico Clavano sa isang press briefing noong Biyernes.
Una nang sinabi ni Bantag na hindi siya susuko hanggang si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay hindi nagbibitiw sa kanyang puwesto. (Arsenio Tan)














