BANGSAMORO POLICE CHIEF, ITINALAGANG PNP-CIDG DIRECTOR

By: Victor Baldemor Ruiz

OPISYAL nang nanunungkulan ngayon bilang bagong hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si PBGen. Romeo Macapaz mula sa pagiging Regional Director ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.

Si Macapaz ang napiling humalili sa maselang pwesto na nabakante nang itinalaga ni commander- in- chief President Ferdinand Bongbong Marcos si Police General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng 230,000- strong PNP.


Papalitan si Macapaz ni BGen. Jaysen De Guzman na mula Northern Mindanao, para tutukan naman ang ongoing peace-building efforts, security challenges at ng isinusulong na malawakang Mindanao development program.

Una rito ay inamin ni PNP spokesperson at kasalukuyang Central Luzon Police Regional Director BGen. Jean Fajardo na tinanggihan niya ang nabakanteng CIDG post.

Napag-alamang simula kahapon ay opisyal na ring ipinatupad ang panibagong bugso ng balasahan sa pambansang pulis kung saan itinalaga si Brig. Gen. Glicerio Cansilao para hawakan ang PNP Anti- Kidnapping Group, kahalili ni Col. David Poklay na inilipat naman sa PNP-Intelligence Group.


Ayon kay Fajardo, mayroon nang kautusan mula sa tanggapan ni PNP Chief Torre III na italaga na at ginawang epektibo kahapon ang pag-upo ni Macapaz bilang bagong Director ng CIDG unit ng PNP.

“Kailangan po nating ilagay ‘yong mga nararapat po na mga officer sa mga posisyon kung saan mas mapapakinabangan po ‘yong kanilang mga competency and skills,” pahayag ni Fajardo.


Apektado ng panibagong balasahan sina BGen. Jack Wanky na itinalagang bagong pinuno ng r PNP Region 4A o Calabarzon police kahalili ni Police BGen. Paul Kenneth Lucas, na inilagay naman bilang Deputy regional director ng PNP – National Capital Region Police Office (NCRPO).

Si Bgen Wanky ay hinalinhan ni Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones bilang regional director sa PNP- Western Visayas.


Si Brig. Gen. Rolindo Soguilon, ang kasalukuyang OIC ng PNP-CIDG, ay inilagay naman bilang pinuno ng Northern Mindanao.

Nagkaroon din ng galawan sa PNP-NCRPO nang italaga si Brig. Gen. Arnold Abad bilang bagong pinuno ng Northern Police District, na nakakasakop sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

Si Brig. Gen. Randy Arceo ay hinirang na pinuno ng Southern Police District (SPD), na may saklaw sa area ng Pasay City, Parañaque City, Makati City, Taguig City, Las Piñas City at Pateros.



Naniniwala ang pamunuan ng PNP na mas makakatulong ang mga bagong talaga na ipatupad ang mga ibinabang direktiba ni Pangulong Marcos kaugnay sa ‘police visibility’ at para maramdaman ng tao ang pagiging epektibo ng kapulisan.

Tags: PBGen. Romeo Macapaz

You May Also Like