TULUYAN nang nailabas ng mga volunteer rescuers ang bangkay ng tatlong illegal miners na na-trap sa loob ng tunnel matapos nila itong pasukin Lunes ng gabi (Hunyo 23), sa Sitio Balcony, Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya, subalit isang rescuer din ang nagbuwis ng buhay bago tuluyang nailabas ang tatlong small scale miners.
Kinilala ang mga nasawing minero na sina Daniel Segundo, 47 anyos; Florencio Indopia, 63 at Lapihon Ayudan, 56, pawang mga taga-Barangay Runruno sa nasabing bayan.
Naiulat na lubhang nahirapan ang rescue team na ma-retrieve ng mga bangkay mula sa mahigit 400 metrong lalim ng tunnel kamakalawa ng gabi.
Napag-alaman na unang na-recover ang bangkay ni Segundo alas-11 ng gabi, habang sina Indopia at Lapihon ay na-recver naman nang hatinggabi at kahapon ng madaling araw.
Nauna rito, isa sa mga volunteer rescuers na si John Philip Guinihid ang binawian ng buhay noong Hunyo 25, 2025 at hinihinalang sanhi ang suffocation o nakakalasong gas bago pa siya mailabas mula sa tunnel.
Si Guinihid, kasama ang kanyang kaibigang si Johnny Ayudan, ay boluntaryong pumasok sa naturang tunnel noong gabi ng Martes (Hunyo 24, 2025) upang kunin ang katawan ng kapatid nitong si Lapihon Ayudan
Nauna nang na-recover nang buhay mula sa tunnel sina Alfred Dulnuan at Joval Bantiyan noong Hunyo 24. Sila ay kasama nina Segundo, Indopia, at Lapihon na pumasok sa Runruno tunnel noong Lunes..
Ayon kay Pastor Mario Dela Cruz ng Philippine Bethel Church, Inc., isa rin sa mga volunteer rescuers, kawalan ng sapat na oxygen ang sanhi ng kanilang pagkahilo at pagkawala ng malay, dahilan kung bakit hindi na sila nakalabas sa nasabing tunnel.
Isinagawa ng mga volunteer rescuers ng Runruno community at ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), FCF Minerals Corp., OceanaGold Philippines, Inc., BLGU, MLGU, at iba pang Non-Government Organizations (NGOs) ang malagim na retrieval operation.














