Latest News

Bangkay ng sundalo, nadiskubre dahil sa masangsang na amoy

By: Philip Reyes

Nadiskubre ng mga awtoridad ang bangkay ng isang retiradong sundalo na napatay ng kanyang kaalitan at inilibing sa loob mismo ng kanyang bakuran sa Binangonan, Rizal, bunsod ng masangsang na amoy na inireklamo ng kanyang mga kapitbahay.

Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, nakilala ang biktima na si Rodolfo Lirio, isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at residente ng Brgy. Habagatan, sa Binangonan habang nadakip naman ng mga pulis sa isang follow up operation ang suspek na kinilala lang muna sa alyas na ‘Alvin.’

Nauna rito, dakong alas-2:00 ng hapon ng Huwebes ay nakatanggap umano ng reklamo si Barangay Chairperson Marzen Binaluyo mula sa mga kapitbahay ng biktima na may masangsang na amoy na nagmumula sa compound ng tahanan nito na matatagpuan sa Talim Island, Purok 1, Brgy. Habagatan, Binangonan, Rizal.


Kaagad namang rumesponde ang mga barangay officials at nang tuntunin ang pinagmumulan ng mabahong amoy ay dito na nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakalibing sa bakuran kaya’t inireport sa pulisya.

Sa imbestigasyon, natukoy na naganap ang krimen dakong alas-3:00 ng hapon noon pang Disyembre 26, 2023.


Sa di pa batid na dahilan ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa, na nauwi sa suntukan.

Sa kasagsagan ng pagbubuno ng dalawa ay nakadampot umano ang suspek ng matigas na bagay at inihataw sa biktima na ikinasawi nito.


Upang itago ang krimen, nagdesisyon ang suspek na ilibing na lamang ang biktima.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong pagpatay.

Tags: Binangonan Municipal Police Station

You May Also Like