NATAGPUANG bangkay at tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang isang lalaking Chinese national sa driver’s seat ng isang kulay gray na Toyota Avanza kahapon ng umaga sa kanto ng P. Algue at Abad Santos Streets sa Tondo, Maynila. Kapwa Chinese din ang suspek sa nasabing pagpatay.
Ayon sa ulat ng Manila Police District -Police Station 2, alas- 6:30 ng umaga nang makita ni Victor Corrales, 61, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ang nakaparadang Toyota Avanza na may plate number CBM 4247.
Pinuntahan umano ni Corrales ang sasakyan para paalisin sana ang driver na nakaparada sa lugar pero nang silipin ay nakita nito ang duguang driver na wala nang buhay sa driver’s seat, kaya’t kaagad niya itong ipinaalam sa Algue Police Community Precinct (PCP).
Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa mga nakakabit na CCTV para makita ang buong pangyayari habang ang biktima ay dinala sa punerarya para sa autopsy at safekeeping.
Base sa initial investigation ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang si Zhaoping Zhang,46, ng EPZA, Rosario Cavite, ay nakipagtalo sa kanyang kababayang si Liu Chow Qin, dakong 6:45 a.m. sa Narra Street sa Tondo.
Ayon sa saksi, nakita ang biktima at suspek na nagtatalo hanggang sa lumisan ang suspek. Maya-maya ay bumalik ito na armado na ng kutsilyo. Dumiretso ito sa biktimang nakaupo sa driver’s seat na kanyang sasakyan at saka ito pinagsasaksak.
Sinigawan umano ng saksi ang suspek na tumigil pero sandali lamang at saka itinuloy ang pananaksak. Nagawa namang paandarin ng biktima ang kanyang sasakyan subalit nawalan na ito ng malay pagdating sa P. Algue Street at dun na nga ito nakita kalaunan ni Corrales.
Kasalukuyang inaalam pa kung ano ang motibo sa pagpatay at ang suspek ay pinaghahanap ng pulisya.