Latest News

Banggaan ng pick-up at tricycle: 2 patay, isa sugatan

By: Baby Cuevas

Dalawang katao ang patay habang isa pa ang sugatan nang magkabanggaan ang isang pick-up at isang tricycle sa Paco, Manila kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Apolonio Toyado III, 42, binata, tricycle driver at ang kanyang pasahero na si Joven Braga, 46, binata, pedicab driver; kapwa residente ng 1854 Int., 17, Zamora St., Pandacan, Manila.

Sugatan rin naman sa aksidente ang isang motorcycle rider na si Ronald Mikhail Betonio, 35, housekeeper, at residente ng 4F D5 Bahay Caridad, 2nd Bldg., Bayani St., Doña Imelda, Quezon City.


Samantala, nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang driver ng pick-up na si Sanny Ayon, government employee, at 0 PE PSG Malacañang Park, San Miguel, Manila.

Batay sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong ala-1:50 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa westbound lane ng Paz Mendoza Guanzon St., sa Paco.

Lumilitaw sa imbestigasyon na minamaneho ni Ayon ang pick-up na may plate number na XLL 461 sa westbound lane ng Paz Guanzon St., at patungo sana sa airport, nang pagsapit sa tapat ng Mitsubishi Motors ay makabanggaan nito ang tricycle na minamaneho naman ni Toyado, na noon ay nagka-counterflow sa kalsada.

Sa tindi ng impact ng aksidente, yupi ang tricycle habang wasak naman ang harapan ng pickup truck habang tumilapon sina Toyado at Braga, na nagresulta sa agarang kamatayan ni Braga. Naisugod pa naman sa pagamutan si Toyado ngunit malaunan ay nasawi rin.


Minalas naman na madamay rin sa aksidente ang motorsiklong may MV File No.: 1301-0823081, na minamaneho naman ni Betonio, na nagresulta rin sa pagkasugat nito.

Ayon sa driver ng pickup truck, nagkabanggaan sila nang bigla na lang pumasok ang tricycle sa kaniyang linya.

Giit pa ng driver, nasa 30 kilometers per hour (kph) lang ang kaniyang pagpapatakbo noong mga oras na iyon at hindi rin umano siya inaantok habang nagmamaneho.


Tags: Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)

You May Also Like

Most Read