Kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 taon ng Araw ng Kalayaan kahapon, nagsagawa ng flag-raising ceremony ang militar at pamahalaang panlalawigan ng Sulu sa tuktok ng Mount Sinumaan na kuta ng mga kalaban.
Ayon kay 11th Infantry “Alakdan” Division Commander Maj. General Ignatius Patrimonio, ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa dating kaharian ng Abu Sayyaf ay patunay lamang ng positibong pagbabago ng security landscape sa lalawigan dahil sa pagtutulungan ng lahat.
Ipinaabot din ni Patrimonio ang mensahe ni AFP Chief of Staff General Andres Centino na ang flag-raising sa Mt. Sinumaan ay simbolo ng kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.
“Mount Sinumaan was once a stronghold of the Abu Sayyaf Group. But with the collaborative efforts of the LGU’s and support of the communities, we were able to free it and now we celebrate this momentous event. We are all part of the change in the security landscape of Sulu,” ani Maj. Gen. Patromio.
Samantala, ipinarating naman ni Erwin Tan, na siyang kumatawan kay Sulu Governor Abdusakur M. Tan, na: “This is indeed a historical day for the whole country and for us here in Sulu. The result of our partnership that bonded together to unite have solved the cause of the problem in the province. We were able to get this far. We hope that we will continue to sustain lasting peace.”
Kasama ng mga tropa ng 11ID at opisyal ng Sulu provincial government ang mga tauhan ng iba’t -ibang LGU, mga miyembro ng academe, youth sector, at reservists na nag-hike ng dalawang oras mula sa Sitio Laum, Barangay Danag, Patikul, Sulu para marating ang tuktok ng Mt. Sinumaan.
Nagpahayag di ng pakikiisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paggunita sa ika-125 anibersaryo ng kalayaan ng bansa.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Andres Centino, kinikilala nila ang mga bayaning nakibaka at nag-alay ng kanilang buhay para sa ating kasarinlan.
Sunod sa paksa ng pagdiriwang na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” tiniyak ni Centino na ang AFP ay handang gampanan ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan sa bansa habang patuloy na nagsisikap na palakasin ang ating kakayahang pandepensa.














