Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na nasa 92% nang tapos ang isinasagawang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa May 12 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, ito ay katumbas ng nasa 61 milyon hanggang 62 milyong balota na natapos nang ma-imprenta, kaya’t aabot na lamang sa halos anim na milyong balota ang kailangan pa nilang iimprenta.
Sinabi pa ni Garcia na mula sa naturang bilang ay nasa 37 milyong balota na aniya ang natapos nang beripikahin.
“Nasa 92 percent na po kami. Almost 6 million na lang ang kailangan imprenta. Verified sa kasalukuyan ay nasa 36 to 37 million na balota. Technically maayos naman,” ani Garcia.
Dagdag pa ni Garcia, kailangan nilang bilisan ang proseso ng pagberipika sa mga balota kaya’t sa sandaling matapos nila ang ballot printing ay gagamitin naman nila ang mga tauhan para sa ballot verification.
“Kaya lang, ‘pag natapos na ang printing ng balota ay gagamitin na namin ang mga tauhan para sa pag-verify naman ng balota na naimprenta,” aniya.
“On the average, kailangan makapag-verify tayo ng 1.2 million balota on a single day para makaabot kami sa self-imposed deadline para sa distribution ng balota,” dagdag pa nito.
Matatandaan na una nang sinabi ni Garcia na umaasa silang matatapos ang ballot printing hanggang Marso 19, na mas maaga sa itinakda nilang deadline na Abril 14.