Latest News

BALASAHAN SA LOCAL POLICE, NAKAAMBA

PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Interior and Local Government at Philippine National Police na magpatupad ng balasahan sa pamunuan ng mga local police para palakasin ang pwersa ng kapulisan laban sa kriminalidad bunsod ng sunod sunod na pananambang sa mga local government officials.

Bago nagtungo sa Negros Oriental si Secretary of Interior and Local Government (SILG) Atty Benjamin ‘Benhur’ Abalos para personal na kumuha ng update sa kaso ng pinaslang na gobernador ng lalawigan ay inihayag ng kalihim na posibleng magsagawa sila ng reshuffle sa hanay ng kapulisan.

Nagtungo si Sec. Abalos kahapon sa probinsya, para opisyal na panumpain si Negros Oriental Vice Governor Carlo Jorge Joan Reyes, bilang bagong gobernador ng probinsya kapalit ng napatay na si Gov. Roel Degamo inihayag ng kalihim na posibleng magpapatupad ito ng reshuffle sa local PNP.


Inihayag ni Atty. Abalos ang nakaambang balasahan sa kapulisan bunsod ng sunod-sunod na insidente ng mga pananambang sa mga local officials kung saan naitala si Negros Oriental Gov. Roel Degamo na pinaka huling biktima.

Magugunita na tinambangan si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr. na nakaligtas sa insidente subalit napatay ang apat niyang security na kinabibilangan ng tatlong pulis. Patay din sa ambush si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda na ikinasawi ng limang iba pa .

Bagaman’t sugatan, nakaligtas sa kamatayan si Datu Montawal Maguindanao del Sur Mayor Ohto Caumbo Montawal na inambush ng riding- in -tandem sa Pasay City

Dahilan ito upang ipag-utos ng DILG at ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin sa mga local police officers na magsagawa ng threat assessment sa hanay ng mga pulitiko o local government unit officials sa kanilang nasasakupan upang hindi na maulit ang pagtatangka sa buhay ng mga local executives.


Hindi umano maaaring maging kampante ang mga kapulisan kaya’t kailangang ipakita sa sambayanan na seryoso ang kapulisan sa pagsugpo sa kriminalidad lalo na sa kaso ng pag-atake sa mga elected officials.

Bunga ng sunod-sunod na pananambang sa mga LGU officials nitong mga nakalipas na araw ay iniutos ng kagawaran na paigtingin pa ang police visibility sa buong bansa upang maibsan ang pangamba ng local officials at komunidad laban sa kriminalidad.

Samantala , tiniyak ng liderato ng PNP at AFP na lahat ng paraan ay kanilang gagawin para mahuli ang mastermind at iba pang mga sangkot sa pagpatay kina Gov. Degamo at walong iba pa. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Department of Interior and Local Government at Philippine National Police

You May Also Like

Most Read