PINANGANGAMBAHANG matatagalan pa bago tuluyang humupa ang mga naranasang pagbaha sa ilang lugar particular sa Central Luzon at Northern Luzon na sinalanta ng Bagyong Egay dahil tuloy-tuloy pa rin ang pagpapakawala ng tubig sa tatlong dam sa Luzon bunsod ng mga pag-ulan dulot naman ng habagat at Bagyong Falcon.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA-Hydrometeorology Division , patuloy na nagbabawa ng imbak na tubig ang Ambuklao, Binga Dam at Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.
Ayon sa PAGASA-Hydrometeorology Division, umabot na sa 101.09 meters ang lebel ng tubig sa Ipo Dam na lagpas pa rin sa spilling level nito na 101 meters, kung kaya’t nakabukas ngayon ng .15 meters ang isang gate ng dam.
Habang binuksan din ng 0.5 meters ang tig-isang gate ng Ambuklao at Binga dam.
Samantala, nadagdagan pa ng .75 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa magdamag na pag-ulan.
Kasunod nito, umakyat pa sa 195.80 meters ang pagtaas ng tubig sa Angat Dam, na higit na mas mataas kumpara sa minimum operating level na 180 meters.
Ito ay bunsod pa rin ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa naturang mga dam na dala naman ng nagpapatuloy na mga pag-ulan na dulot ng Hanging Habagat.
Pinangangambahan din ng state weather bureau na maging isang ganap na super typhoon si Falcon na makaka apekto umano sa ilang lugar na sinalanta ni Typhoon Egay na nagdulot ng mga malawakang pagbaha at pagkalunod ng mga pananim at pagkawasak ng mga imprastraktura.
Sinasabing umaabot na sa 107 na lugar ang nagdeklarang under state of calamity .
Kasunod ito ng ginawang pagdedeklara ng Cagayan, Pampanga at Bulacan sa listahan ng mga probinsiya na kabilang sila sa nasa calamity state para magamit nila ang kanilang mga emergency funds bunsod ng pinsalang dala ni Egay nitong nakalipas na linggo.
Una ng nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Bataan at Cavite na pawang nasa Luzon
Kaugnay s naka amabnag pananalasa ni Falcon, “Hindi pa rin natin niru-rule out yung possibility na ito ay mag-intensify pa at maging isang super typhoon,” ani PAGASA weather specialist Grace Castañeda kahapon sa isang livestream.
“Dahil nga sa malaking radius nito or sakop nitong bagyong Falcon, hindi po natin niru-rule out yung possibility na kapag mas lumapit ito sa timog ng Okinawa islands [sa Japan], maaaring mahagip ng malalakas na hangin iyong area ng Batanes,” dagdag pa ni Castañeda .














