MULING pumasok sa Philippine area of responsibility nitong Huwebes ang Bagyong Julian na una nang nanalasa sa Hilagang Luzon bagong tinahak ang Taiwan, ayon sa PAGASA .
May tatlong katao ang inulat na nasawi sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos ang nauna nang pananalasa ng Bagyong Julian sa Pilipinas Posible umanong magdala ito muli ng malalakas na pag- ulan, ayon sa state weather bureau.
Ang Bagyong Julian (international name: Krathon) ay namataan may 245 kilometers northwest ng Itbayat, Batanes kahapon ng umaga. May taglay itong bilis na umaabot sa 120 kilometers per hour at bugso na nasa 165 kph, ayon sa PAGASA .
Nanatiling apektado pa ng typhoon Julian ang lalawigan ng Batanes na nasa ilalim ng Wind Signal No. 1 sa bahagi ng Itbayat.
Inaasahan naman na agad din itong hihina sa loob ng 36 na oras at magiging ganap na low pressure area.
Kasalukuyang binabayo pa rin ni Julian ang Taiwan nitong Huwebes, ani PAGASA weather specialist Benison Estareja, at mage-exit sa Pilipinas.
Magugunitang mahigit sa 200 kabahayan ang sinira sa lalawigan ng Batanes habang daan-daang ektarya ng sakahan at taniman ang inilubog naman sa baha sa hilagang Luzon.
Samantala, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nakita ang isang indibidwal na si Wilfredo Calija, 62, residente ng Brgy. 2, Poblacion sa bayan ng Pasuquin, na isa nang malamig na bangkay sa kasagsagan ng bagyo.
Nalunod din ang isang senior citizen sa lungsod ng Batac matapos makaranas ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Julian.
Maliban dito, isang evacuee ang namatay sa A.P. Santos Elementary School na si Jamal Mambuay, 35, residente ng Muslim Compound sa Brgy. 1, San Lorenzo sa lungsod ng Laoag.
Sinasabing namatay ang biktima matapos matakot sa pagtaas ng tubig na umabot sa dibdib kaya inatake ito sa puso habang nasa evacuation center.
Samantala, nawawala umano ang isang kinilalang si Bryan Carlo Bulong Judalena, 30, ng Brgy. San Roque sa bayan ng Paoaym matapos bumalik sa kanilang tahanan sa gitna ng malakas na ulan at mataas na lebel ng tubig dulot ng Bagyong Julian.
Sa ngayon, nasa ilalim na ng State of Calamity ang buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa hagupit ng Bagyong Julian.














