ISANG araw matapos na opisyal na maluklok bilang bagong pinuno ng Philippine National Police, agad na pinulong ni PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil ang kanyang command staff, mga division at regional directors at iba pang PNP senior officers para sa briefing at command guidance.
Pinangunahan mismo ni Gen. Marbil ang kauna-unahan niyang Command Conference kahapon ng umaga sa loob ng PNP National Headquarters sa Camp Crame.
Base na rin sa marching orders ng Pangulong Marcos hinggil sa mga programang panseguridad at pagtiyak ng maayos at mapayapang Bagong Pilipinas ay inilatag ni Marbil ang kaniyang mga direktiba sa mga opisyal ng PNP at kung ano ang direksyon na nais tahakin ng pambansang pulis sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Nabatid na isusulong nito ang ‘Oplan MARBIL’ o Mobilization of Resources and Manpower; Advancement of Technology for Law Enforcement; Reinforcement of community relations at cooperation; Boosting of intelligence gathering capabilities at Implementation of effective crime prevention strategies at leadership development and training for officers and personnel.
Sa marching orders ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay General Marbil, nais nitong paigtingin pa ang kampanya kontra krimen, iligal na droga, cybercrime transnational crime, at terorismo.