OPISYAL nang nanunungkulan ngayon ang bagong Philippine National Police-Anti Kidnapping Group chief na hinirang ni PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil .
Itinalaga ni Marbil si Police Colonel Paul Abay bilang officer-in-charge ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).
Kinumpirma ni PNP Public Information Office (PIO) chief Police Colonel Randulf Tuaño ang paghalili ni Col. Abay sa binakanteng pwesto ni PNP-AKG head Police Colonel Elmer Ragay na sinibak bilang PNP-AKG head at pansamantalang inilagay ‘under administrative relief.’
Sinasabing si Ragay ay ni-relieve kaugnay sa kumalat na mga balita at viral social media post na kumukuwestyon sa katotohanan sa likod ng umanoy rescue operation” sa dinukot na 14- taong gulang na binatilyong mag-aaral ng Manila British School Manila sa BGC sa Taguig.
Magugunitang inihayag ng PNP-AKG na matagumpay nilang na-rescue ang umano’y dinukot na estudyante na inabandona ng kanyang mga abductors sa Parañaque City.
Ang administrative relief by command ni Gen Marbil kay Ragay epektibo noong Biyernes ay bunsod ng nakabinbin ang imbestigasyon kaugnay sa pag-kidnap at umano ay pag-rescue sa international school student sa Taguig City.
Tiniyak din ng heneral na ang pagsibak kay Ragay ay simula pa lamang ng mas malalim na imbestigasyon upang tiyakin ang integridad ng PNP.