HINDI na nakarating ng kanilang bahay ang isang bagong luwal na sanggol na iuuwi sana ng kanyang mga magulang nang aksidenteng kainin ng kadena ng motorsiklo ang kumot na nakabalabal sa baby habang binabagtas ng mga magulang nito ang national road sakop ng Tagkawayan, Quezon.
Ayon sa ulat ng Tagkawayan PNP, pauwi na sana sa Del Gallego, Camarines Sur ang mag live-in partner dala ang kanilang sanggol mula sa ospital nang mangyari ang trahedya.
Lumitaw din sa imbestigasyon na sakay ng motorsiklo ang ina na siyang may hawak ng tatlong araw pa lamang na sanggol na nakabalot sa kumot, habang ang motorsiklo ay minamaneho ng kanyang live-in partner.
Habang nasa biyahe, hindi umano nila napansin na lumaylay ang kumot at sumabit sa kadena. Kasama ang sanggol na nahila at naipit sa gulong.
Nagawa pang maitakbo sa pagamutan ang baby subalit hindi naagapan at idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.














