ITINALAGA ni Pope Leo XIV si Fr. Sean Mejia bilang bagong obispo ng Apostolic Vicariate ng Tabuk.
Ito ay ini-anunsiyo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mismong araw ng ika-54 taong kaarawan ni Mejia, na nagsisilbing temporary administrator ng naturang Apostolic Vicariate.
Napag-alaman na ang bishop-elect ang magiging ikatlong apostolic vicar ng Tabuk, na isang missionary jurisdiction na itinatag noong 1992.
Ayon sa ulat ng CBCP, ang vicariate ay nawalan ng obispo simula pa noong Pebrero 2025, nang mailipat si Bishop Prudencio Andaya Jr. sa Diocese of Cabanatuan.
Si Mejia ay ipinanganak sa Bulanao, Tabuk City, nag-aral ng pilosopiya sa San Pablo Seminary sa Baguio City at theology sa Immaculate Conception School of Theology sa Vigan City.
Siya ay na-ordinahan bilang pari para sa vicariate noong Oktubre 19, 1999 at may hawak na licentiate in canon law mula sa Pontifical Urban University sa Rome.
Bilang apostolic vicar, si Mejia ang mamumuno sa isang mission territory kung saan ang simbahan ay hindi pa organisado bilang isang diyosesis.
Samantala, ang vicariate ay mayroong 22 mission stations at parishes, na pinangangasiwaan ng 25 diocesan priests sa suporta mula sa missionary priests ng iba’t- ibang kongregasyon.














