By: JANTZEN ALVIN
Nakatakda umanong maglabas ang Department of Migrant Workers (DMW) ng mga bagong panuntunan para sa Seasonal Workers Program (SWP) sa South Korea sa susunod na linggo.
Sa isang media briefing kahapon, sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na layunin nitong gawing ‘standardize’ ang proteksiyon ng mga seasonal overseas Filipino workers (OFWs) na ipinapadala sa naturang bansa.
Paliwanag ni Cacdac, kung standardized ang proteksiyon ng mga seasonal OFWs, hindi magiging ‘spotty’ o ‘uneven’ ang pagbibigay ng tulong sa kanila.
Ang SWP ay ipinapasilidad ng mga partner LGUs sa Pilipinas at ng Korea upang tugunan ang kakulangan ng Seoul sa mga manggagawa tuwing peak farming seasons.
Noong Enero 11, 2024, naglabas ang DMW ng moratorium sa pagde-deploy ng mga manggagawa sa ilalim ng programa, kasunod ng ulat ng illegal recruitment, labor, at welfare cases.
Sa naturan ding media briefing, kinumpirma ni Cacdac na nakatanggap sila ng 150 reklamo mula sa mga OFWs, na bahagi ng programa.
Aniya, lima sa mga ito ay mga kaso ng pisikal na pang-aabuso.
Ani Cacdac, tumutulong naman ang mga local government units (LGUs) sa mga manggagawa na nasa Korea sa ilalim ng SWP, ngunit mahalaga pa rin aniya ang involvement dito ng national government.
Siniguro naman ni Cacdac na kaagad nilang aalisin ang moratorium sa SWP sakaling maipwesto na ang mga kinakailangang guidelines para dito.














