Maaring bumaba sa 429 kada araw ang bagong kaso ng COVID-19 kung susundin ng publiko ang minimum public health standards.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, patuloy na bababa ang arawan at aktibong kaso ng COVID-19 sa susunod na buwan kung pananatilihing sundin ang health protocols.
Gayunman,nagbabala si De Guzman na maaring tumaas ang impeksiyon sa mahigit 2,294 kada araw hanggang sa katapusan ng Disyembre kung patuloy na bababa ang mga taong sumusunod sa minimum health standards gaya ng pagsusuot ng facemasks at social distancing.
“Bakit mababawasan? Nabanggit natin na paparating na naman ang holidays, so posibleng mas dadami ang magiging interactions natin, lalong bababa ang ating social distancing, and of course nababawasan na nga ang ating compliance to masking,” ayon kay De Guzman.
Sinabi ni De Guzman na base sa AuTuMN projections sa National Capital Region (NCR), hindi tataas ang hospital utilization kung tataas pa ang vaccination rate at kung walang papasok na ‘variants of concern sa bansa.
Ipinaliwanag pa ni De Guzman na inaasahan ang pagtaas ng kaso dahil sa pagdami ng galaw ng tao, social gatherings at pagpapaluwag ng restrictions. (Anthony Quindoy)














