ISUSULONG umano ni bagong Commisison on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang pagtatayo ng bagong gusali ng Comelec, makaraang masunog ang ikapitong palapag ng gusali na kanilang inuupahan sa Intramuros, Maynila.
“Kita nio naman po ang kalagayan ng Comelec. Siguro nga, pagkakataon na, high time naman na sana naman po, hindi naman excuse ang sunog. Sana naman kami ay mabigyan ng kahit kaunting pagtingin, na mabigyan na kami ng Comelec building,” saad ni Garcia kahapon.
Sinabi pa niya na nagtanong na si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa kanila ukol sa kung magkano ang gugugulin na pondo sa pagtatayo ng bagong gusali upang maisumite sa Kongreso para maaprubahan.
“We will have to make the necessary requests and we will have to proceed with all other procedures, such as with NEDA (National Economic and Development Authority). We already have a design several years ago. It’s a green building,” dagdag niya.
Nais ni Garcia na magkaroon ng walong palapag ang itatayong gusali na maglalaman na rin ng bodega ng mga kagamitan na ginagamit tuwing halalan, mayroon ring media center at iba pa.
May target na umano silang lupain na may lawak na tatlong ektarya at magkakahalaga ng P8.2 bilyon. (Jaymel Manuel)