Bagong bise alkalde ng San Juan, nanumpa na sa puwesto

By: Baby Cuevas

Mayroon nang bagong bise-alkalde ang lungsod ng San Juan.

Ito’y matapos na pormal nang manumpa sa puwesto si bagong Vice Mayor Angelo Agcaoili, kapalit nang yumaong si Vice Mayor Warren Villa.


Mismong si San Juan City Mayor Francis Zamora naman ang namuno sa oath taking ni Agcaoili na isinagawa sa regular na flag raising ceremony sa lungsod nitong Lunes.

Ang panunumpa sa puwesto ni Agcaoili ay sinaksihan rin ni Congresswoman Bel Zamora, gayundin ng mga miyembro ng city council, mga city officials at mga barangay officials, gayundin ng mga department heads.

Matatandaang nabakante ang posisyon ng bise alkalde ng San Juan City matapos ang biglaang pagkamatay ni Villa noong Hunyo 18, 2023.


Ayon kay Zamora, bagamat nagluluksa pa sila sa pagkamatay ni Villa, kailangang maipagpatuloy ng Office of the Vice Mayor ang mga tungkulin nito para sa lungsod at sa mga residente.

Nagpahayag rin siya ng kumpiyansa na magagampanan ni Agcaoili ang posisyong ipinasa sa kanya.
“While we continue to mourn the untimely passing of my dear friend Vice Mayor Warren Villa, the Office of the Vice Mayor must continue to function. I have full confidence in Councilor Agcaoili to fill the void left by our late Vice Mayor and carry on his legacy,” pahayag pa ng alkalde.


Nabatid na ang pagkakatalaga kay Agcaoili sa naturang puwesto ay alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9388 o ang San Juan City charter, o Section 44 ng Republic Act 7160 o The Local Government Code of the Philippines na nagsasaad na sakaling magkaroon ng permanent vacancy sa Office of the Vice Mayor, ang highest ranking Sanggunian member ang siyang papalit sa naturang puwesto.

Si Agcaoili ang nanguna sa halalan matapos na tumakbo sa pagka-konsehal noong May 22 national elections.


Tags: Vice Mayor Angelo Agcaoili

You May Also Like