Latest News

BAGONG BARKO NG COAST GUARD KINOMISYON SA ARAW NG KALAYAAN

KINOMISYON ng Philippine Coast Guard kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng kalayaan ang kanilang pinakabago at pinakamalaking multirole vessel.

Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nanguna sa pag komisyon ng bagong barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) kahapon Linggo matapos na dumalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Luneta.

Magugunitang dumating sa bansa ang 97 metrong barko mula sa Yamaguchi Prefecture, Japan nuong unang araw ng Hunyo, 2022.

Ang nasabing barko ay may bilis na 24 knots at nakatakdang idedeploy sa maritime patrolling sa teritoryo ng bansa kabilang ang West Philippine Sea at Philippine Rise.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte, pinasalamatan niya si Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga nagawa nito sa kanyang sektor.

Pinuri rin ng Pangulo ang Philippine Coast Guard, at sinabi pang may “excellent record and participation” ito sa pagtulong sa gobyerno na mapanatili ang kasarinlan at integridad ng bansa.

Bagama’t itinuturing niyang kaibigan si Chinese President Xi Jinping, sinabi ni Duterte na hindi niya raw pababayaan ang soberenya ng bansa sa nasabing karagatan.

Sa nasabing aktibidad, iginigiit din ng pangulo ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Sabi niya, gusto daw niyang makasabay ang PCG sa pagpatrolya nito sa West Philippine Sea.

Una rito ay pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang selebrasyon ng ika-124 na anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Maynila.

May tema ito na “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas.”

Alas-8:58 ng umaga nang itinaas na ni Pangulong Duterte ang watawat ng Pilipinas.

Pagkatapos nito ay nag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal ang pangulo kasama ang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Nagkaroon din ng 21-gun salute at flyby gamit ang air asset ng Philippine Air Force.

Ang Armed Forces of the Philippines ang nagsilbing military host para sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan , ang huling Independence day na dadaluhan ni PRRD bilang commander in chief. (VICTOR BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read