NAGSIMULA nang tumupad sa kanyang tungkulin bilang ika -66th Philippine Army chief si LtGen. Roy Galido matapos siyang manumpa sa harap ni Armed Forces of the Philippines commander-in-chief President Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. nitong Lunes.
Kabilang sa ipinangakong responsabilidad ni Galido ang pag-recalibrate sa buong hukbo upang makapag-focus sa internal security operations, pagpapalakas ng organisasyon para sa territorial defense at pag-evaluate ng mga sistema na magbibigay ng kakayahan sa mga sundalo na maging produktibong miyembro ng lipunan habang nasa militar at pagkatapos ng serbisyo.
Ipinangako ni Galido na po-protektahan niya ang kapakanan ng mga sundalong kasapi ng Hukbong Katihan matapos ang panunumpa niya bilang bagong Army Commanding General.
Ayon sa heneral, tututukan niya ang kapakanan ng bawat sundalo, kasabay na rin ng pagtutok niya sa disiplina ng bawat miyembro ng Hukbong Katihan.
Ang disiplina aniya ang nagsisilbing pundasyon ng pagtitiwala sa mga unipormadong hanay, kaya’t mahalagang matutukan ito.
Sinabi pa ng pinuno ng Phil Army na tututukan din niya ang maayos at masusing paggamit sa mga financial assets ng hukbo, kasama na ang logistics, manpower at ang kabuuang puwersa ng Hukbong Katihan.
Ito ang inihayag ni Lieutenant General Galido matapos pormal na isalin sa kanya ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. ang pamunuan ng Hukbong Katihan ng Pilipinas sa Change of Command Ceremony sa Fort Bonifacio na pinangunahan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.














