Sa unang pagharap sa mga kawani ng bagong-talagang General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) Eric Jose Castro Ines, agad nitong ipinag-utos sa Airport Police Department (APD) na ayusin ang problema sa trapiko sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.
Ayon kay Ines, maraming beses na niya itong naranasan at maging ng kanyang mga kaibigan at pamilya na nagtutungo sa airport.
Pinuna ni Ines na sa kabila ng matinding pagkakabuhol-buhol ng trapiko ay may mga APD na nakikita niyang nagce-cellphone lang.
Ipinakiusap ni Ines sa mga team leaders ng airport police na humarap sa kanya na ayusin ang nasabing problema, pati na rin ang problema ng mga kolorum na mga taxi na pumapasok sa NAIA terminals at nanloloko ng mga pasahero.
Sa ginanap na flagraising ceremony sa MIAA building Lunes ng umaga ay sinabi ni Ines na magsisilbi siya bilang halimbawa sa mga kawani ng paliparan, kasabay ng pakiusap na maging tapat sa lahat ng pagkakataon.